Hindi sapat ang sampung libong kilometro by CJ Q. '23
para kalimutan ka
Anong nagbago sakin?
Ako pa rin naman ako, diba? Hindi naman nagbago ang aking personalidad para laitin mo ako nang husto. Pareho pa rin ang aking pananamit, ang paraan ng aking paglakad, kung paano ako magsalita, o kumanta, o sumayaw. Hindi ka nagising isang araw at ako’y biglang naging ibang tao; pinakita ko lang sa’yo kung sino talaga ako.
Ang inakala kong munting pagyanig ay naging isang lindol. Iilang salitang pinakawalan sa maling panahon, naging tila matinding bagyo. Lahat ng oras na pinagsamahan natin, naubos sa isang sandali. Pinalayas mo ako sa iyong presensya, at anong magagawa ko kundi umalis?
Ako’y tumakbo, at tumakbo, at tumakbo. Hindi sapat na hindi tayo nagkita araw-araw, dahil parang araw-araw mo pa rin akong sinusundan. Bawat poste makikita ko ang mukha ko, pero ang pangalan mo. Bakit, noong ako’y lumisan, pinilit mo pa rin akong sundan? Akala ko ba ay ayaw mo ako, karumal-dumal ako, makasalanan ako? Hindi ako misa na iyong puntahan para burahin ang hiyang iyong naramdaman.
Ako’y lumayo, at lumayo, at lumayo. Pumunta sa ibang siyudad, ngunit hindi pa rin sapat. Naramdaman ko ang isang malalim na kawalan na hinigop ang aking kaluluwa mula sa loob. Kahit ilang beses kong inulit sa sarili ko na wala akong maling ginawa, na umalis ako hindi lamang para sa aking ikabubuti kundi para rin sa iyo, hindi pa rin sapat para punan ang butas. Sinabi mo na tayo’y parang papel na pinunit ko noong ako’y umalis at nag-iwan ng butas. Linggo, buwan, taon ang dumaan bago ko naintidihan, na matagal nang nandito ang butas, at hindi ko lang napansin dahil pilit mong tinakpan.
Ako’y lumipad, at lumipad, at lumipad! Pumunta sa ibang bansa. Tignan mo, isang dagat ang inilaan ko sa pagitan natin. Sampung libong kilometrong layo tayo sa isa’t isa, ngunit parang nandito ka pa rin. Aninong bumubulong na mali ang bawat kilos ko. Multong nagpalaganap sa aking mga panaginip. Akala ko na, sa wakas, makakahanap ako ng pahinga. Ngunit natutunan ko na hindi sapat ang sampung libong kilometro para kalimutan ka.
Tulad nang hindi sapat ang pinakamatinding taglamig para kalimutan ang impyernong pinagdaanan, hindi sapat ang sampung libong kilometro para kalimutan ka.
Tulad nang hindi sapat ang isang libong araw, ni isang libong taon, para kalimutan ang masaklap na kasaysayan, hindi sapat ang sampung libong kilometro para kalimutan ka.
Pero tignan mo. Tignan mo ang ginawa ko. Kinuha ko ang mga alaalang binuo ko, kasama ng bagong kaibigan sa isang bagong paaralan, at binuhusan ko ang aking butas. Hinilom ko ang aking mga sugat, hindi lamang tinakpan. Tignan mo, binuksan ko ang sarili ko sa mundo, at tinanggap ako ng mundo nang husto,
dahil mali ang sinabi mo, mali ang sinabi mo na kapag nawala ka sa buhay ko ay wala akong ibang mapupuntahan, mali ang sinabi mo na walang tatanggap sa akin, mali ang sinabi mong walang tunay na magmamahal sa akin, at siguro sinabi mo lang ’to dahil mali ang tingin mo sa pagmamahal, dahil ang tanging beses na nakatanggap ako ng pagmamahal galing sa’yo ay kapag ako’y nagbigay ng kapalit, at hindi ’yon pagmamahal, hindi ’yon pagmamahal, hindi ’yon pagmamahal.
’Di baling hindi sapat ang sampung libong kilometro para kalimutan ka. Itaga mo ’to sa bato. Itaga mo ’to sa bato. Darating ang araw na ika’y dadapo sa aking isip. At kung gaano ka kabilis dumaan, ganoon kabilis kitang dadaanan.